Isa pang malaking lingap-pamamahayag ang matagumpay na naisagawa ng Iglesia Ni Cristo Sa Philippine Arena sa Ciudad De Victoria sa Bocaue, Bulacan.
Itinaguyod ito sa pagtutulungan ng apat na distrito ng Iglesia Ni Cristo mula sa Pampanga East at West, Zambales South at Laguna West.
Pinangasiwaan din ng Kapatid na Glicerio Santos Jr., General Auditor ng INC ang pagtuturo ng aral na sinasampalatayanan ng Iglesia Ni Cristo.
Alas-onse ng umaga nagsimulang papasukin ang mga panauhin at INC members na dumalo sa pagtitipon sa Philippine Arena.
Pero dahil mabilis na napuno ang 55,000-seater na world’s largest indoor arena, ang iba pang panauhin at dumalo ay pinatuloy na sa katabing Philippine Sports Stadium na nasa loob din ng Ciudad De Victoria.
Habang isinasagawa ang entertainment program na unang bahagi ng palatuntunan, kasabayang isinagawa ang free medical at dental services ng Felix Y. Manalo foundation sa bahagi Ng Philippine Sports Stadium.
At tulad sa mga itinataguyod na libreng serbisyo medical at dental sa pamamagitan ng lingap sa mamamayan, nagkaloob din ng libreng gamot para sa mga pasyenteng sinuri ng mga volunteer doctors.
Kasabayan namang sinubaybayan ng mga dumalo ang entertainment program sa loob ng Philippine Arena na nilahukan ng mga performer mula sa INC members, at ng mga kilalang entertainment personalities gaya nina Victor Wood, Zsa Zsa Padilla at Andrew E.
Ito na ang ikalawang pagtatanghal ni Andrew E sa Philippine Arena bagama’t nagiging bahagi na rin ng mga Lingap-Pamamahayag ng INC sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ng batikang rapper na ipinagpapasalamat niya ng malaki ang pagkakataong ibinibigay sa kaniya ng INC para bigyang-buhay ang kaniyang karera.
Nasa 80,000 goody bags din ang ipinamahagi ng inc para sa mga dumalo sa pagtitipon, lalo na sa mga panauhing hindi pa kaanib ng INC.
Naging maayos naman ang ipinairal na seguridad sa kabuuan.
Nasa 145 kagawad ng pulisya mula sa CIDG, intelligence at highway patrol group ng national headquarters at hanay ng police provincial public security company ng Marilao, Bocaue at Sta. Maria Bulacan ang nangasiwa sa seguridad at trapiko sa loob at labas ng Ciudad De Victoria.
Sinabi ni PO3 Erdy Magtoto wala rin silang nakumpiskang mga ipinagbabawal na bagay matapos ang frisking para makapasok ang lahat sa Philippine Arena.