APIA, Antipolo City (Eagle News) — Tunay ngang walang mataas na bundok ang hindi kayang akyatin, makatulong lamang sa mga kababayan natin. Ito ay pinatunayan ng mga kapatid at maytungkulin sa Iglesia Ni Cristo na kabilang sa Society of Communicators and Networkers (SCAN) na mula sa Lokal ng Pasong Tamo at Pugad Lawin na kapwa kabilang sa Distrito ng Central, sa isinagawang Lingap-Pamamahayag nitong Sabado ,Disyembre 3, sa Sitio Apia Calawis, Antipolo City.
Madaling araw pa lamang ay tumulak na ang mga maytungkulin upang magtungo sa dako na pagsasagawaan ng aktibidad, kasama nila ang ilang kinatawan mula sa ‘Department of Print Evangelism’ ng Pasugo Office at ang grupo ng mga ‘Motorcycle riders group’ na hindi pa kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
Hindi naging madali ang kanilang ginawang pag-akyat sapagkat napakatarik at napaka putik ng bundok na kanilang binabagtas. Ang iba sa kanila ay nagtanggal na ng sapatos at nakayapak na nagpatuloy sa paglalakad, ang iba naman ay nangalap ng mga kahoy at patpat sa damuhan upang kanilang gamiting tungkod.
Ang ilan sa mga SCAN ay kani-kaniyang bitbit ng mga kahun-kahong gamot at goody bags na kanilang ipamamahagi sa mga tao sa pamayanan ng Sitio Apia. Hindi lamang bundok ang kanilang inakyat kundi maging ang mga mababatong ilog ay tinawid nila maabot lamang ang ating mga kababayan.
Nagsimula ang Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos sa ganap na ika-8 ng umaga sa pangunguna ng mga Ministro ng ebanghelyo na ipinadala ng Pamamahala ng INC. Ito ay dinaluhan ng mga panauhing nasa pamayanan ng Sitio Apia at mga motorcycle riders’ na naimbitahan ng mga maytungkulin sa SCAN.
Pagkatapos ng pag-aaral ng mga Salita ng Diyos ay namahagi sila ng “goody bags” at mga gamot sa mga bisitang nagpaunlak at nakinig, maging ang kanilang mga anak ay nakatanggap rin ng mga pangunahing medisina: gamot sipon, lagnat at sa ubo.
“Tuwang-tuwa po kami dahil tumutulong ang Iglesia Ni Cristo sa lahat, maging kaanib man sa Iglesia o hindi. Ako po ay tunay na namangha at nais ko pa pong ipagpatuloy ang aking pakikinig at pagsusuri sa mga aral ng Iglesia” pahayag ng isang panauhing dumalo sa Pamamahayag.
Pagkatapos ng aktibidad ay nagkaroon ng maliit na salo-salo ang mga maytungkuling tumupad sa Lingap Pamamahayag. Sila ay naglatag ng mga lamesa at gamit ang mga dahon ng saging ay sama-samang nilang pinagsaluhan ang kanilang dalang mga pagkain.
“Ang mga ganitong akitibidad na inilulunsad ng Pamamahala ng INC ay hindi lamang po nagpapatibay sa aming pananampalataya at buhay espiritwal, kundi mas lalo pa pong tumatatag ang pagsasama at pagkakaibigan naming mga maytungkulin. Gayundin kami po ay nakatutulong sa mga kababayan natin upang mas lalo pa po silang mahikayat na magsuri sa loob ng Iglesia Ni Cristo” pahayag ni kapatid na Jocelyn Domino, masiglang maytungkulin sa SCAN.