(Eagle News) — Mabilis na dinala at ipinarating sa lalawigan ng Benguet ang agarang tulong ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo para sa mga mamamayan at mga kaanib sa INC na naapektuhan ng bagyong Ompong nitong nakalipas na Sabado, Setyembre 15.
Nasa halos 2,500 goody bags ang natanggap ng mga nasalanta ng bagyo na isinagawa sa lokal ng La Trinidad, Benguet nito lamang Lunes ng hapon, Setyembre 17.
Ayon kay kapatid na Homer Tiomico, Tagapangasiwa ng Distrito, lubos silang nagagalak sa napakabilis na ayuda at tulong ng Pamamahala sa pangunguna ng kapatid na Eduardo V. Manalo sa pamamagitan ng FYM Foundation sa pangunguna ni kapatid na Glicerio Santos III upang maihatid ang tulong para sa mga kapatid at hindi kapatid sa Iglesia Ni Cristo na naapektuhan ng pagbaha at landslide sa lalawigan.
Ayon pa kay kapatid na Tiomico, napakalaking tulong ito para sa lahat.
Katuwang nila ang mga ministro at mga maytungkulin sa distrito maging ng mga miyembro ng SCAN International para ipamahagi ang naturang goody bags para sa lingap sa mamamayan.
Ayon naman sa mga nabigyan ng tulong lalo na sa mga hindi pa kaanib sa INC, lubos silang nagagalak at natutuwa sa tulong na ipinamahagi ng Iglesia Ni Cristo.
Dumating din sa naturang lingap ang mga kapatid na lubhang napinsala sa nakaraang bagyo at nakaligtas sa mga sakuna na mula pa sa iba’t ibang lugar sa Benguet at Baguio City. Halos nasa isanlibong mga mamamayan ang nabahaginan ng naturang ayuda ng INC.
Nagpaabot naman ng pasasalamat maging ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa mabilis na pagbibigay ng tulong para sa lahat ng mga naapektuhan ng bagyong Ompong.
Eagle News Service James Bastian, Romeo Limson, Freddie Rulloda