Ni Aileen Joy Montemayor
Eagle News Service
OLONGAPO CITY, Zambales (Eagle News) – Nagsagawa ng Lingap ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa Olongapo City, Subic, San Marcelino at San Felipe, Zambales bilang paggunita nila sa kanilang ika-104 na anibersaryo ng pagkakatatag nito sa Pilipinas at sa ika-50 taong anibersaryo ng pagkakatatag sa Kanluran.
Sa nasabing lingap ay namahagi sila ng bigas at pagkain sa mga kababayan natin na nasalanta ng nagdaang bagyo at ang malawakang pagbaha sa iba’t ibang dako ng lalawigan.
Ayon kay kapatid na Arnel A. Agorilla, Tagapangasiwa ng Distrito ng Zambales South, ang ganitong gawain na pagtulong sa mga kababayan nating kapus palad ay matagal ng ginagawa ng Iglesia.
Dagdag pa niya, Sa pangunguna ni INC Executive Minister, Bro. Eduardo V. Manalo ay ginagawa ang mga gawaing ito hindi lamang sa iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig kung saan laganapan na ang Iglesia.
Ang ganitong gawaing pagtulong sa ating kapuwa ay naghahayag ng paglaban sa kahirapan na siyang adhikain ng namamahala ng Iglesia.