By Weng Dela Fuente
Eagle News Service
QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Puspusan ang paglingap na ginagawa ng Iglesia Ni Cristo hindi lamang sa mga kababayang Filipino kundi maging sa mga bansa sa Africa at Latin America.
Bahagi ito ng hangarin ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo na matulungan ang mga kaanib at hindi pa kaanib sa Iglesia Ni Cristo na maka-ahon sa kahirapan.
Sinabi ng kapatid na Glicerio Santos Jr., na sa Africa pa lamang ay may tatlong eco-farming project nang inilunsad ang INC.
Sa 54 na bansang bumubuo sa kontinente ng africa, lumaganap na ang Iglesia Ni Cristo sa 21 bansa nito.
Hindi lang sa africa kundi maging sa Latin America particular sa Brazil at Mexico naglunsad ng malalaking gawain at paglingap ang Iglesia Ni Cristo.
Maging sa Europa, particular sa Russia at Helsinki sa Finland ay binibigyang atensyon ng Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo.
Dito sa Pilipinas, wala ring tigil ang mga gawaing pagpapalaganap at pagkilos para kalingain ang mga nangangailangang kababayan.
Sa Gapan City sa Nueva Ecija, isinagawa nitong linggo ang Lingap Pamamahayag sa City Hall Complex ng lungsod.
Masiglang nakipagkaisa ang mga kaanib sa pagaanyaya ng mga panauhin.
Sinabi ni kapatid na Alfonso Rico, tagapangasiwa ng Nueva Ecija South, nagbahay-bahay ang mga kaanib ng INC para ipag-anyaya ang pagtitipon.
Isa aniyang bunga ng mga gawain ang maraming bilang ng mga nagnanais na umanib sa Iglesia Ni Cristo.
Pinangunahan naman ni Gapan City Mayor Emerson Pascual ang mga kababayan niya sa pakikiisa sa gawain ng Iglesia.
Higit sa tulong pangkabuhayan na maibibigay sa pagdalo sa Lingap-Pamamahayag, sinabi ni Mayor Pascual na mas mahalagang marinig nila ang aral na ibabahagi sa kanila ng INC.