Lingap sa Mamamayan ng Iglesia Ni Cristo sa Zambia, isinagawa

 

(Eagle News) — Nagpapatuloy ang pagsasagawa ng Lingap sa Mamamayan o Aid to Humanity Project ng Iglesia Ni Cristo sa mga bansang nasa Africa.

Sa pinakahuling aktibidad na isinagawa ng Iglesia Ni Cristo nitong Abril, sampung lugar sa Zambia ang inabutan ng tulong ng Iglesia Ni Cristo.

Kabilang sa mga napagkalooban ng tulong ay ang mga paaralan, local churches, at mahihirap na mga komunidad sa pamamagitan ng Felix Y. Manalo (FYM) Foundation, ang charitable institution ng Iglesia Ni Cristo.

Ang mga residenteng nilingap ng Iglesia Ni Cristo ay binigyan ng tig-sampung kilo ng corn meal, ang staple food sa Zambia na kung tawagin nila ay mealie meal.”

Isinagawa ang local outreach events sa mga komunidad kung saan naninirahan ang mga kasalukuyang nasa proseso ng pag-anib sa Iglesia Ni Cristo at sa iba pang mga lugar na nag-imbita sa Iglesia Ni Cristo para magdaos ng outreach program.

Kabilang sa mga napagkalooban ng tulong ay ang mga pamilya mula sa mga bayan ng chinika at matero, mga estudyante at mga guro Sa The Little Assissi School for Disabled Children, The Hidden Voice School for Children With Disabilities, The Monastery Of St. Clare, Woodlands Parish, The Orphanage at Chelstone at Hours Zingalumi.

At para naman sa espirituwal na pakinabang, pinangasiwaan ni Brother Pepito Acuesta, isang ministro ng Iglesia Ni Cristo, ang pagtuturo ng mga Salita ng Diyos mula sa bibliya sa mga isinagawang pagtitipon.

Umaasa naman ang Iglesia Ni Cristo na magpapatuloy ang ganitong mga gawain sa Zambia at lalong magkaroon ng matibay na relasyon sa mga local government organizations, lalo na sa mga komunidad sa Zambia na lubhang nangangailangan ng tulong.

Una rito, nakipag-partner ang Iglesia Ni Cristo (Church of Christ) sa iba’t ibang event organizers at pamahalaan sa Africa para magsagawa ng Aid to Humanity activities sa iba-ibang bahagi ng South Africa, Lesotho At Kenya.