INFANTA, Quezon (Eagle News) – Muling nasaksihan ang pagkakaisa ng mga miyembro sa Iglesia Ni Cristo sa isinagawang “Linis – Paaralan” sa Infanta National High School, Infanta, Quezon nitong Martes, Mayo 23. Pinangunahan ito ni Bro. Isaias A. Hipolito, District Minister ng Quezon North.
Maaga pa lamang ay dumako na sila sa kapilya ng INC sa Infanta para sa assembly and registration. Isinagawa din muna nila ang sama-samang panalangin bago pa magtungo sa dakong pagdarausan ng aktibidad.
Ayon kay Bro. Christian Gucilatar, ministro ng ebanghelyo na nakadestino sa (lokal ng Infanta), ang aktibidad ay may kaugnayan pa rin sa programang “Giyera sa Basura.” Ang nasabing programa ay hindi lamang naglalayong ipalaganap ang kalinisan ng kapaligaran kundi ipakita rin ang halaga ng Iglesia Ni Cristo sa paglinang ng isang malinis, payapa at maunlad na pamayanan.
Labis naman ang pagpapasalamat ng mga opisyales ng paaralan sa masigla at napapanahong pagtugon ng Iglesia Ni Cristo sa pangangailangan nito.
Ayon kay Mrs. Grajeda, guro sa Infanta National High School, “Ngayon ay masasabi naming ready na talaga kami sa pagbubukas ng paaralan sa darating na pasukan”.
Ruper Asagra – EBC Correspondent, Infanta, Quezon