MAKATI CITY, Metro Manila (Eagle news) – Sinimulan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang livelihood program para sa mga empleyado nito at ng kanilang pamilya kamakailan sa opisina mismo nito sa Guadalupe, Makati City.
Nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) nina General Manager Tim Orbos ng MMDA at Les Reyes CEO ng Reyes Haircutters kasama din ang Directress na si Maritess Del Pilar. Layunin nito na turuan at sanayin ng libre ang mga empleyado ng naturang ahensya, asawa at anak ng mga ito na nasa hustong gulang na upang magkaroon ng tiyak na pangkabuhayan.
Tiniyak naman ng Reyes Cosmetology School na magkakaroon ng trabaho ang mga trainee na papasa sa kanilang training. Aabot ng isa hanggang dalawang buwan ang nasabing training para na din sa paghahanda ng mga magreretirong empleyado.
Ang naturang proyekto ay bahagi ng kampanya ng ahensya na linisin ang kanilang hanay partikular na upang maiwasan ang pangongotong ng mga traffic enforcers.
Ian Jasper Ellazar – EBC Correspondent