Ni Rheanel Vicente
Eagle News Service
TACLOBAN CITY, Leyte (Eagle News) – Namahagi na ng relief goods ang pamahalaang lokal ng Tacloban City sa mga residente ng mga barangay na lubhang naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa na naranasan sa lungsod.
Ilan sa mga barangay na unang nakatanggap ng relief goods ay ang Barangay 43-B Quarry District at Barangay 49 Youngfield.
Tinatayang nasa 130 pamilya ang nakatanggap ng relief goods na naglalaman ng ready-to-eat na pagkain, banig, kulambo, kaldero, kutsara, tinidor, at pinggan.
Ang nasabing relief operation ay pinangunahan ni Tacloban City Mayor Cristina Romualdez at ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Nagbigay din ng burial assistance si Romualdez sa pamilya ng apat na nasawi sa nangyaring landslide sa Brgy. 43-B.
Samantala, sinagot naman ng Department of Social Welfare Development (DSWD) ang gastos sa pagpapalibing ng mga nasawing biktima ng pagbaha at landslide.
(Eagle News Service)