(Eagle News) — Isang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.
Huling namataan ang Low Pressure Area (LPA) sa layong 1,365 kilometro silangan ng Visayas.
Wala pa itong epekto sa anumang bahagi ng bansa ngunit inaasahang papasok ito ng PAR ngayong weekend.
Sakaling maging bagyo habang nasa loob ng bansa ay papangalanan itong “Henry.”
Samantala, isa pang cloud cluster o kaulapan ang namataan sa silangang bahagi ng Mindanao na may posibilidad ding maging isang LPA.
Makakaaepekto ang naturang cloud cluster sa Mindanao.
Ngayong araw, inaasahan naman ang pag-ulan sa Mimaropa, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas Palawan, Bulacan, Pampanga at Westen Visayas dahil sa habagat.
Red warning level
Samantala, dahil sa naranasang malakas at tuluy-tuloy na buhos ng ulan, nagtaas ng heavy rainfall warning ang PAGASA sa mga lalawigan sa Central Luzon.
Sa rainfall advisory ng PAGASA, nakataas ang red warning sa Zambales at Bataan at nagbabala ito ng seryosong pagbaha sa mga mabababang lugar.
Yellow warning naman ang nakataas sa Pampanga.
Sa iba pang lugar sa Region 3, light hanggang moderate at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan ang nakaaapekto sa mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Calumpit, Pulilan, San Rafael, at San Ildefonso sa Bulacan at sa lalawigan ng Tarlac.
Habang light to moderate na pag-ulan din ang mararanasan sa Metro Manila, Nueva Ecija, Cavite at Batangas sa susunod na tatlong oras.