LPA na binabantayan ng PAGASA, tuluyan nang pumasok sa PHL area of responsibility

Photo courtesy of pagasa.dost.gov.ph

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Tuluyan nang pumasok ng Philippine Area of Responsibility ang low pressure area (LPA) na binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa PAGASA, namataan ang LPA sa layong 960 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.

Ibinabala ng PAGASA na may 50% na posibilidad na maging bagyo ang LPA na tatawaging bagyong ‘Agaton’ sa pagpasok nito sa bansa na tinatayang sa mismong Enero 1 o di kaya ay sa Enero 2.

Posible umano itong maglandfall sa eastern Visayas o eastern Mindanao, hapon ng Lunes o madaling araw ng Martes.

Habang lumalapit sa kalupaan ay posible itong magdala ng malalakas na ulan sa eastern Visayas at eastern Mindanao.

Samantala, ngayong araw, dalawang weather systems ang makakaapekto sa bansa.

Magdadala ng pag-ulan ang tail-end of cold front sa Bicol Region at eastern Visayas.

Makakaapekto naman ang northeast monsoon na magdadala ng pulo-pulong pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon, Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.