(Eagle News) — Ikinatuwa ng mga transport leader at commuters group ang inilabas na Land Transportation Franchise Regulatory Board (LTFRB) Resolution No. 76 na nag-aatas na doblehin ang benepisyo sa ilalim ng personal passenger accident insurance program ng gobyerno.
Mula sa dating 200-libong piso itinaas na sa 400-libong piso ang accidental benefits na matatanggap ng pamilya ng mga masasawing pasahero ng mga pampublikong sasakyan.
Magiging 100 libong piso naman mula sa dating 20 libong piso na ang medical reimbursement ng mga sugatan sa aksidente.
Pagpasok ng mga individual insurance company, ipinababasura ng transport groups
Pero sa harap nito, ipinababasura naman ng transport groups ang ipinalabas na department order ng Department of Transportation (DOTR) na nagbibigay pahintulot sa pagpasok ng mga individual insurance company.
Sa pamamagitan daw kasi nito ay posibleng bumalik sa dating sistema kung kailan pahirapan ang pagclaim ng mga benepisyo at pagkalugi ng mga insurance company.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, hindi na kailangan palitan ang kasalukuyang systema kung saan dalawang consortium lang ang may hawak ng lahat ng pampublikong sasakyan ang Pami at ang SCCI.
Sa sistemang ito raw ay mas mabilis silang nakakakuha ng mga benepisyo tuwing may naaaksidente dahil mismong ang LTFRB ang tumatawag sa mga ito.
Insurance commission, solong mangangasiwa sa insurance sa ilalim ng Department Order; transport groups, umalma
Samantalang sa ilalim ng department order, ang insurance commission na ang solong mangangasiwa at ma-eetsepwera na ang LTFRB
Noong Setyembre 5 una na raw ibinasura sa pagdinig ng Kongreso ang nasabing department order kaya naman nagtataka raw ang mga transport group kung bakit ito ipinipilit ng DOTR. (Eagle News Service Mar Gabriel)