MANILA, Philippines (Eagle News) — Pinagbibitiw sa puwesto ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Edgar Galvante.
Sa harap ito nang umano’y napakabagal na proseso sa plaka ng mga sasakyan.
Ayon kay Alvarez, mag-iisang taon na sa puwesto si Galvante subalit napakarami pa ring mga sasakyan ang walang plaka.
Aniya, ang matagal na pag-aksyon ay nangangahulugan lamang na hindi kaya ni Galvante ang kaniyang trabaho.
Agad namang nilinaw ni Alvarez na hindi niya pinepersonal si Galvante kundi ito ay trabaho lang.
“More than one year ka ng nakaupo diyan, the most logical thing for you to do is to resign, ibig sabihin hindi mo kaya ang trabaho,” pahayag ni Alvarez.
Sinabi pa ni Alvarez na panahon pa lamang ng kampanya ay nabanggit na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema sa plaka.
“Ganun ba kahirap yung plaka? Naging secretary din ako ng DOTC noon and I could not see any reason why hindi natin maibigay yung plaka,” pahayag pa nito.
“Ang ma-suggest ko diyan is for Asec. Galvante to resign so the president can appoint a person na kayang gawin yung trabaho,” ayon kay Alvarez.
(Eagle News Service Eden Santos)