(Eagle News) — Dalawang Mercedes Benz at mga parte nito ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).
Ang shipment na nakapangalan sa Juljerjac Trading ay hinarang dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) matapos na hindi maideklara ang tunay nitong laman.
Ayon sa Customs, idineklarang parte ng sasakyan ang laman ng shipment pero nang buksan, dalawang 2009 model na Mercedes Benz ang nakita sa loob ng container van.
Hindi naman brand new ang dalawang sasakyan na ang kulay ay itim at puti, pero tinatayang nasa Php 10 million pa rin ang halaga nito.
Kasama ring nasabat ang mga gulong ng sasakyan.
Galing sa Hong Kong ang nasabing shipment.