Maalinsangang panahon, mararanasan sa buong bansa ngayong araw – PAGASA

 (Photo grabbed from http://bagong.pagasa.dost.gov.ph/)

(Eagle News) — Sa ating ulat panahon, wala nang inaasahang mga pag-ulan ang maiuugnay sa bagyong Queenie na kasalukuyan nang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Gayunman, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, dahil sa bagyo, nakataas pa rin ang gale warning sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan Group of Islands, Cagayan, Isabela at Ilocos Norte at mapanganib pa rin ang paglalayag.

Huli itong namataan sa layong 825 kilometers hilaga hilagang-silangan ng Basco, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 145 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong hilaga hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour at inaasahang maglalandfall sa South Korea.

Ngayong araw, magiging maalinsangan ang panahon sa buong bansa na may posibilidad ng mga pag-ulan, pagkulog, pagkidlat dahil sa localized thunderstorms.