By Erwin Temperante
Eagle News Service
(Eagle News) — Nais ni Rosalie Yanson na patanggalan ng lisensya sa pagiging abugado si Atty. Trixie Angeles matapos umanong magsinungaling sa totoong pangyayari sa loob ng Court of Appeals (CA) noong Martes.
Sinabi ni Rosalie Yanson, ang ina ni Abegail Yanson, na sapilitan umanong isinama ng mag-asawang Menorca nang walang paalam sa kanila bilang magulang ni Abegail.
Sinabi ni Atty Angeles na isang pulis ang humawak kay Abegail sa loob ng CA habang may pagdinig sa kasong kinasasangkutan ng amo nitong sina Menorca.
“Labag sa kalooban ko po na ilalayo ang anak ko. Gusto ko lang pong mayakap. Kaya lang po ang nangyari ay hinarass po kami. Hindi po totoo yun na sila ang hinarass, kami ang hinarass. Pinalabas po kami hanggang dito,” sabi pa ni Ginang Rosalie Yanson sa panayam ng mga reporter sa labas ng korte.
Kuwento pa ng ama ni Abegail na si Ginoong Candido Yanson: “Sa ginawa pong hearing ng petsa tres po, totoo po na nariyan kami. Niyakap po ng aking asawa yung anak naming si Abegail, ngunit kinaladkad po siya. Hinila po, natumba na lang po ito. Hinawakan ko rin po sa kamay ang anak ko, pero hinila po kami palabas. Hindi lang po hinila, pero pinalabas po kami sa Court of Appeals po. Kaya isa po yan sa napakasakit sa mga magulang na ganoon pa ang ginawa sa amin. Kaya po sana po ay magkaroon po ng katarungan yung ginawa po sa amin na hindi po maganda na pinaalis po kami doon sa korte, na panahon po yun ng recess na paglapit po yun sa aming anak.”
Ipinaliwanag pa ni Atty. Danny Villanueva, abugado ng pamilya Yanson, na sa nakasaad sa sinumpaang tungkulin ng isang abugado ang pagsasabi ng buong katotohanan ngunit nilabag umano ito ni Atty. Angeles.
Ayon sa abugado ng pamilya Yanson maliwanag na nilabag ni Atty. Angeles ang kanilang Code of Ethics sa pagsisisnungaling sa publiko sa tunay na pangyayari.
“Kaugnay po sa isang responsibilidad ng isang abugado, yung nakasaad po sa Canon 10 na lalong pinapaliwanag sa Rule 10.01 na ang isang abugado – ito po ang sinumpaan namin bilang abugado — na kami ay di dapat nagsisinungaling,” giit pa ni Atty. Villanueva.
Nais ng pamilya Yanson na makuha ang anak nilang si Abigail na ayaw pakawalan ng mag-asawang Lowell at Jinky Menorca.
“Opo gusto ko pong maiuwi ang anak ko, yun lang po ang layunin namin. Na makasama namin siya. Ayaw po namin na magkahiwalay,” giit pa ni Ginang Rosalie Yanson.
Pinag-aaralan na rin ng pamilya Yanson ang kasong kriminal na isasampa sa mag-asawang Menorca sa patuloy na pagbabawal sa kanilang anak na makaalis sa poder ng mag-asawa. (Eagle News Service)