Mag-ina at kaanak nito, arestado sa buy-bust operation sa Batangas; P1.5 milyong halaga ng shabu nasabat

Ni Ghadzs Rodelas
Eagle News Service

BATANGAS CITY, Batangas (Eagle News) – Arestado ang mag-ina kabilang ang isa pa nitong kaanak sa isinagawang buy-bust operation sa Batangas City nitong Martes.

Nakuha rin kina Circoncicion Andal alyas Mamita, 58, ang kaniyang inang si Estelita Andal alyas Nanay, 82, at ang kaanak ng mga ito na si Danilo Ramos alyas Kalbo ang 58 pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P1.5 milyon at P15,000 ng marked money, ayon sa pulisya.

Ayon sa otoridad, ikinasa nila ang operasyon sa  Barangay Poblacion 3 bandang alas 10:20 ng gabi, nang mabalitaan nila buhat sa isang police asset ang malakihang transaksyon ng mag-ina.

Nang maaresto ang mag-ina ay naka-oxgen mask pa anila ang mga ito.

Ayon kay Senior Supt. Edwin Quilates, officer in charge ng Batangas Provincial Police Office, bagamat wala pang record ng huli si Ramos, base sa kanilang imbestigasyon ay “malaking distributor” ito.

Tinitingnan talaga namin yung maliliit na operations namin in previous weeks kung saan nanggagaling. So, pinag-aralan namin hanggang sa ma-plot namin na dito pala nanggagaling sa area na ito yung source ng pinu-push na drugs dito sa Batangas City,” aniya.

Ayon kay Quilates, natumbok si Ramos “dahil manugang siya nung dalawang source niya.”

Yung poseur buyer nag-transact sila…hanggang niyaya siya dito sa loob ng bahay na ‘to. So, doon nagkaabutan, galing doon sa dalawang matanda yung items inabot yung pera sa kanila,” pahayag ni Quilates.

Mananatili sa Batangas Police Provincial Office custodial facility ang tatlong naaresto habang dinidinig ang isasampang kaso sa kanila na paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.

 

Related Post

This website uses cookies.