Magandang epekto ng TRAIN law sa mga empleyado, mararamdaman na sa Enero 15 – BIR

(Eagle News) — Mararamdaman na sa Lunes, Enero 15, ang magandang epekto umano ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) sa mga empleyado ng gobyerno at ng mga pribadong kumpanya.

Ito ang tiniyak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos ipag-utos sa ilalim ng TRAIN ang pagbaba ng  personal income tax ng mga ito.

Ayon kay BIR assistant commissioner Marissa Cabreros, zero o wala nang tax na ikakaltas sa mga sumusuweldo ng Php 20,000 kada buwan pababa o Php 250,000 kada taon.

Batay sa inilabas na revised withholding tax table ng BIR, kung ang isang indibiduwal ay kumikita ng arawang sahod na Php 685  pababa, malinaw na zero o wala nang ikakaltas na buwis sa kaniyang sahod.

Gayundin sa kumikita ng Php 4,808 kada linggo, Php 10,417 kinsenas, katapusan at Php 20,833 kada buwan pababa.

Muli namang nagpaalala ang BIR sa lahat ng mga employer na sundin ang ipinalabas nilang Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 1-2018 kung saan nakasaad ang mga regulasyon sa paggamit ng withholding tax table para sa computation ng personal income tax.

Hindi rin daw maaaring idahilan ng mga employer na wala pa silang natatanggap na revenue regulations dahil nag-isyu na ang BIR ng RMC at withholding tax table na dapat sundin ng mga ito.

Upang maiwasan daw ang kalituhan sa panig ng mga empleyado na sumasahod ng higit sa Php 20,833 kada buwan ukol sa kung magkano ang kanilang tax deduction, maaari daw puntahan ng mga ito ang website ng BIR at hanapin ang birtaxcalculator.com.

(Eden Santos, Eagle News Service)