Magiging lider ng senado, patuloy na pinaghahandaan

Screen shot 2016-06-07 at 9.17.37 PM(Eagle News) — Nagpapatuloy umano ang recruitment at meeting ng mga senador para sa susunod na magiging lider ng senado.

Tatlo ang posibleng maglaban sa pwesto kabilang na si Senate President Franklin Drilon, Senador Alan Peter Cayetano at Senador Vicente Sotto III.

Pero sabi ni Senador JV Ejercito na miyembro ng oposisyon, susuportahan niya ang sinumang i-eendorso ni incoming president Rodrigo Duterte.

Nagkausap na raw sila ni Duterte tatlong linggo na ang nakalilipas at may inindorso na itong pangalan bagaman ayaw pa itong tukuyin ni Ejercito dahil wala pa aniyang go signal mula sa susunod na pangulo.

Hindi pa rin aniya siya lumalagda sa pinaiikot na resolusyon ng tanggapan ni Cayetano na una nang nagsabing may 15 na susuporta sa kaniya.

Aminado si Ejercito na mahaba pa ang dalawang buwan bago ang pagbubukas ng 17th congress at marami pang mangyayaring alignments sa pagitan ng magkakapartido.

Nagpahiwatig din si incoming senator Panfilo Lacson na si Senador Aquilino Pimentel III ang magiging susunod na Senate President.