Magkapatid, panalong Mayor at Vice Mayor sa Cotabato City

 

 

 

Proklamasyon ng mga nanalong kandidato sa Cotabato City. (Eagle News Service)

COTABATO CITY, Philippines (Eagle News) — Panalo bilang mayor at vice mayor ang tambalang magkapatid na Guiani sa Cotabato City.

Pormal ng naiproklama ni City Election Officer Atty. Joyce Moran si Japal Guiani Jr. bilang mayor sa kanyang pangatlong termino at ang kapatid niyang si Cynthia Guiani-Sayadi bilang vice mayor ng lungsod.

Ito ang unang pagkakataon sa Cotabato City na parehong nahalal ang magkapatid sa dalawang pinakamataas na posisyon sa lokal na pamahalaan.

Natalo ng magkapatid na Guiani ang muling tumakbong dating Mayor ng lungsod na si Moro National Liberation Front Chairman Muslimen Sema at ang incumbent Vice-Mayor na si Abdullah Andang.

Naideklara ring panalo bilang 1st councilor si Graham Nasser Dumama, na mula rin sa Team Guiani ng partidong United Peoples Alliance.

Kabilang din sa mga nanalong konsehal sila Ed Rabago, Fred Ridao, Abdillah Lim, Hassan Biruar, Cristina Chua ng Team Guiani at mula naman sa Liberal party bets na sila Bruce Matabalao, Mike Datumanong, Sukarno Sema at Butch Abu na anak ni Moro Islamic Liberation Front vice chairman Ghadzali Jaafar.

Samantala, nagpasalamat naman ang magkapatid sa kanilang mga supporters at nangakong itutuloy ang mga programa at proyektong nasimulan na sa lungsod.  (Odessa Cruz, Eagle News Service correspondent, Cotabato City)

 

 

Related Post

This website uses cookies.