(Eagle News) — Huli ang mahigit 10 rider ng motorcycle-hailing app na “Angkas” sa operasyon laban sa mga colorum ng mga otoridad nitong Huwebes, ika-9 ng Nobyembre.
Nagpanggap na mga pasahero ang ilang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kabilang na si LTFRB board member Aileen Lizada para dito.
Si Lizada ay personal na nag-book gamit ang app ng habal-habal sa McKinley Hill sa Taguig, at nagpahatid sa 5th Avenue sa Bonifacio Global City.
Dito na hinuli ang “Angkas” rider.
Kinumpiska ng mga otoridad ang mga lisensiya ng mga nahuli, at inimpound ang kanilang mga motor.
Ayon kay Lizada, walang prangkisa ang Transport Networking Company na “Angkas” kaya itinuturing na kolorum o iligal ito.
Enero pa lamang ay nagbabala na ang LTFRB sa mga gumagamit at nag-ooperate ng “Angkas.”
“LTFRB strongly warns Angkas to stop all bookings made with the use of this kind of application/platform. Otherwise, LTFRB will be constrained to take legal actions against Angkas and its illegitimate operators,” wika ng ahensiya noon.
Dagdag pa ni Lizada, hindi dapat tangkilikin ng publiko ang app dahil hindi ligtas na gamitin bilang public transportation ang mga sasakyan nito.
Ang mga mahuhuling nagmamaneho o nag-ooperate ng habal-habal ay pagmumultahin ng halagang aabot sa P6,000.