Mahigit 100 bahay, nasunog sa Barangay Tabon, Bislig City sa Surigao del Sur

(Eagle News) — Humigit kumulang 100 bahay ang nilamon ng apoy kahapon ng umaga.

Nangyari ang sunog bandang alas 9:30 ng umaga sa Brgy. Tabon, Bislig City.

Nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Joyce De Castro. Ayon sa isa sa mga nasunugan napansin na lang nila ang nagliliyab na apoy na nagmumula sa katabi nilang bahay.

Kanya-kanya nang salba ang mga residente ng kani-kanilang mga gamit at nagtutulong na rin gamit ang timba at tubig mula sa poso, ang iba naman ay sinisira na lang ang ilang mga bahay upang hindi na makatawid pa ang apoy papunta sa kanilang bahay.

Tatlong truck ng bumbero ang ginamit na pamatay sunog ngunit hindi makalapit ang mga ito dahil sa makikipot na daanan kung saan nagsimula ang apoy.

Base sa aerial view na kuha ng lokal na pamahalaan ng Bislig, makikita ang lapad ng pinsalang dulot ng sunog na umabot sa ikatlong alarma.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa matinding init, malakas na hangin at gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay na nasunog.

Ayon kay Rose Lee Cancio, City Information Officer ng Bislig City, nagsasagawa na ng assessment ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa laki ng pinsala.

Nagsilbing evacuation center ang Plaza Central Elementary School at Post 12 Gymnasium sa lugar.

Isa patay sa aksidente

Kaugnay pa rin nito, isang lalaki naman ang naipit at namatay nang aksidenteng mabali ang tulay kung saan dumaan ang truck ng bumbero.

Kinilala ang biktima na si Gary Ruaya, isang empleyado ng isang bangko.

Ayon sa mga nakasaksi, pagdaan ng truck sa tulay na gawa sa kahoy, aksidente itong nabali at naipit sa mismong ilalim ng truck ang biktima, na siya nitong ikinamatay. Issay Daylisan, Eagle News Surigao Del Sur