MALAYBALAY CITY, Bukidnon (Eagle News) – Umabot sa mahigit 100 pamilya ang lumikas mula sa Marawi City patungong Malaybalay, Bukidnon.
Ayon kay Malaybalay Mayor Ignacio Zubiri, ang 105 na pamilya o katumbas ng 416 na indibidwal na lumikas ay kasalukuyang nakikituloy sa kanikanilang mga kamag-anak na nasa iba’t ibang barangay ng lungsod.
Kaugnay nito, tinipon ng lokal na pamahalaan ang mga nasabing evacuees sa covered court ng Barangay 9 at isinagawa ang ‘profiling’ sa mga ito.
Bawat isa ay kinuhanan ng larawan sa pangunguna ng Population Development Office.
Pagkatapos nito ay nagsagawa naman ng medical mission sa pangunguna ng City Health Office.
Namahagi naman ng relief goods ang City Social Welfare Development Office katulong ang City Disaster Risk Reduction Management Office at mga criminology intern.
Tiniyak naman ni Malaybalay City Police Chief, Police Chief Inspector Alfredo Ortiz, Jr., ang pamamalagi ng seguridad sa lungsod.
Sarah Tinaja at Nila Lopoy – EBC Correspondents, Malaybalay City, Bukidnon