(Eagle News) — Ipinag-utos ng Departmet of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang isyu ng nawalang mahigit 1,000 armas sa Philippine National Police (PNP) headquarters na sinasabing ibinenta sa New People’s Army (NPA) sa Mindanao.
Ang kautusan ay inilabas ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kasunod ng direktiba mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Department Order No. 007 na pirmado ni Aguirre, inatasan din ang NBI na mag-case build up.
Kung may ebidensya diumano ay kasuhan ang mga taga-gobyerno at pribadong indibidwal na sangkot.
Nilinaw naman ni Justice Undersecretary Erickson Balmes na ang imbestigasyon ng NBI ay off-shoot o nagmula sa mga kasong katiwalian na una nang naisampa sa Sandiganbayan noong 2016 laban sa ilang mataas na opisyal ng PNP gaya ni Chief Supt. Raul Petrasanta at isang may-ari ng security agency dahil sa mga nawalang Russian-made Ak-47 assault rifles.
Uungkatin aniya ng NBI ang iba pang pribadong indibidwal na dawit na hindi naisama sa kasong una nang isinampa ng Ombudsman.
Natalakay aniya ang nasabing isyu sa Cabinet meeting sa Malacañang nitong Lunes ng gabi.
Hindi naman tinukoy kung tututukan ng NBI sa imbestigasyon ang pagkakasangkot ng NPA na hindi nakasama sa unang kaso. (Eagle News Service)