(Eagle News) — Mahigit 22 milyong estudyante sa pampubulikong paaralan ang nagbalik-eswela ngayong araw sa opisyal na pagbubukas ng klase para sa School Year 2017-2018.
Ngayong school year din ang pagsisimula ng first official batch ng Grade 12 senior high school students at ng Grade 11 students.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ang pagbubukas ng klase para sa mga pampublikong paaralan ay tuwing unang Lunes ng Hunyo.
Sa mga pribadong paaralan ay maaaring gawin ang pagbubukas ng klase sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto, ayon sa DepEd.
Klase sa Marawi City at 8 lugar sa Lanao Del Sur, sinusupinde muna
Samantala, ang klase sa Marawi City at walong distrito ng Lanao Del Sur ay pansamantalang sinuspinde ng dalawang linggo dahil sa nagpapatuloy na bakbakan doon sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute Group.
Enrollment ngayong school year, tumaas ng 8.2 % – DepEd
Batay sa projection data ng DepEd, ang kabuuang bilang ng nag-enrol sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa ay nasa 26.96 milyon na mga mag-aaral.
Mula sa kabuuang bilang, 22.89 milyong mga estudyante ang naka-enrol sa mga pampublikong paaralan.
Ang nalalabing 4.07 milyon na estudyante ay naka-enrol sa private schools.
Dagdag pa ng DepEd, tumaas ng 8.2 percent ang enrollment ngayong School Year 2017-2018 na halos dumoble kung ikukumpara sa nakaraang school year.
Para sa pampublikong paaralan, ang elementary ang may pinakamaraming bilang ng enrollees na umaabot sa 13 point 15 milyon.
Mahigit 6 na milyon—6.32 milyon— naman ang enrollees sa junior high school, 1. 84 milyon sa kindergarten habang 1.57 milyon ang bilang ng enrollees sa senior high school.
Bilang ng paaralan sa buong Pilipinas, nasa 75,442
Ang bilang naman ng enrollees sa pribadong paaralan ay 1.25 milyon sa elementarya, 1.33 milyon sa junior high school, 1.27 milyon sa senior high school at mahigit dalawangdaan at dalawampung libo naman sa kinder.
Kung pagbabatayan naman ang datos noong nakaraang school year, ang bilang na ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa ay umaabot sa 75,442.