ODIONGAN, Romblon (Eagle News) — Tatlumpung tao ang sugatan nang sumalpok ang isang barko sa mabatong bahagi ng isang maliit na isla sa Romblon nitong Martes.
Sugatan ang mga pasahero ng barkong M/V Ma. Matilde ng Montenegro Shipping Lines nang sumadsad ito sa batuhang bahagi ng maliit na isla na nadadaanan patungong Odiongan kaninang pasado alas-3:00 ng madaling araw.
Ang ilan sa mga nasugatan ay nahulog sa mga higaang double deck, ang iba naman ay nadaganan ng airconditioning unit at ilang kargamento.
Galing sa Batangas Port at biyaheng bayan ng Romblon ang barko.
Bagamat malakas ang pagkakasadsad ng barko, hindi ito tuluyang nabutas at pinasok ang tubig.
Nayupi naman ang unahang bahagi nito.
Ang mga sugatan ay dinala na sa Romblon District Hospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Romblon-Philippine Coast Guard OIC Marvin Ramos, pumalya ang Global Positioning Syatem o GPS ng barko kaya ito sumadsad.
Nakadaong din naman ang barko sa Romblon pier pasado alas-7:00 ng umaga. (Eric Cillan – Eagle News)