Mahigit 30 miyembro ng Maute, nasa Marawi pa rin ayon sa isang Indonesian terrorist

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) – Sa pagkakaaresto ng mga awtoridad sa isang Indonesian terrorist na nagtangkang tumakas mula sa Marawi City, nakapiga pa sila ng impormasyon mula rito.

Ayon kay Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner, sinabi ng Indonesian na miyembro ng Maute group na nasa mahigit 30 pa ang mga kasamahan niyang nasa loob pa rin ng main battle area sa Marawi City.

Samantala, tumanggi naman si Brawner na pangalanan ang nasabing terorista na nakumpiskahan ng Indonesian passport at bag na naglalaman ng improvised explosive device. Unang naharang ng mga miyembro ng Barangay Peace Action Team (BPAT) ang nasabing terorista, at saka ipinaubaya sa mga sundalo at pulis.

Ayon kay Lanao del Sur Police Director Senior Supt. John Guyguyon, umalis na sa main battle area ang nasabing terorista dahil hindi na siya naniniwala sa kaniyang ipinaglalaban. (Eagle News Service)