(Eagle News) — Mahigit tatlumpung libong bata sa Marawi City ang hindi na nakabalik sa pag-aaral bunsod ng nagpapatuloy na bakbakan sa lungsod.
Sa inilabas na ulat ng Save the Children Philippines, nang magsimula ang bakbakan tatlong buwan na ang nakalipas ay hindi na nakapag-enrol ang nasabing bilang ng mga bata.
Paliwanag ni Save the Children Philippines Country Director Ned Olney, maliban sa hindi makapag-enrol, ang mga mag-aaral ay hindi rin makabili ng mga gamit pang-eskwela.
May pagkakataon naman aniya na ang mga estudyante mula sa Marawi City ay pumapasok sa mga klase kung kaya’t umaabot na hanggang isang daang tao ang tinuturuan ng guro.
Dagdag pa ni Olney, mayroon pang pagkakataong doble ang bilang ng nasa klase.
Base sa tala ng Department of Education (DepEd), labing apat na paaralan sa Marawi ang winasak at sinunog ng mga bandidong grupo sa nagpapatuloy na bakbakan.
https://youtu.be/HGU-3eK3YdQ