(Eagle News) — Mahigit 500 kabahayan at stalls ang tinupok ng apoy sa Prk. Pag-asa, Bangkeruhan Public Market sa Davao City, 4:15 ng hapon, Abril 15.
Ayon kay Brgy. Captain Edgar Ibuyan, kapitan ng naturang barangay, nagsimula ang sunog sa Prk 6-a na nagtuloy pa sa Purok 6-b habang nadamay naman ang bagsakan ng isda sa lugar.
Pinaniniwalaang napabayaang gamit panluto ang naging sanhi ng naturang sunog habang gawa naman sa light materials ang mga kabahayan dahilan kaya mabilis na kumalat na apoy.
Samantala, agad namang kumilos ang City Social Services And Development Office (CSSDO) at namigay ng relief goods sa mga biktima.
Patuloy pang inaalam ang kabuuang halaga ng pinsala ng naturang sunog.