(Eagle News) — Mahigit limangdaang miyembro na ng Caloocan City Police ang napalitan sa pwesto.
Pinakahuling naitalaga sa lungsod ang nasa dalawangdaang pulis mula sa District Public Safety Battalion ng Northern Police District.
Una nang ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Oscar Albayalde ang pagrelieve sa lahat ng pulis sa Caloocan matapos ang sunod-sunod na kontrobersya na kinasangkutan ng mga ito.
Sa harap nito, patuloy ang paghikayat ng Philippine National Police (PNP) sa mga pulis na nakatalaga sa probinsya na nais magpalitan sa Caloocan.
Una nang hinikayat ni PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga taga-Davao police pero tinutulan ito ni Mayor Sara Duterte.
Giit ng PNP, hindi naman daw ito sapilitan kundi boluntaryo lang sa panig ng mga pulis.
Bukod sa Davao, hinikayat din ni Dela Rosa ang mga pulis sa Cebu, Cagayan De Oro, General Santos at Bicol Region upang maitalaga sa Caloocan.
Magiging mabusisi naman ang background check na gagawin ng PNP sa mga pulis na magboboluntaryo upang hindi malusutan ng mga tiwaling pulis.
(Eagle News Service, Mar Gabriel)