(Eagle News) –Ilang buwan matapos ang bakbakan sa Marawi City, iginawad na ng Philippine National Police ang pangakong promosyon sa 753 na pulis na kasamang nakipagbakbakan sa mga terorista.
Nasa limangdaan sa kanila ang mula sa hanay ng PNP-Special Action Force (SAF).
Mismong si PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa at si Phil Army Commanding General Lt. Gen. Joselito Bautista ang nagbigay ng promosyon sa mga pulis.
Ayon kay Gen.Bato, siniguro nya na maibibigay ang promosyon dahil nakita at nasaksihan nya mismo ang hirap na pinagdaanan ng mga pulis na dinala sa Marawi.
Mga pulis ng Binuangan, Misamis Oriental, kasamang na-promote
Bukod sa mga pulis na idineploy sa Marawi, binigyan din ng rank promotion ang mga pulis ng Binuangan Municipal Police Station sa Misamis Oriental.
Ito’y dahil sa matagumpay nilang pagdipensa sa kanilang presinto na inatake ng nasa dalawang daang New People’s Army (NPA) noong Disyembre.
Mga opisyal ng PNP na ipinadala sa Marawi, pinasalamatan din
Samantala, pinasalamatan naman ni Dela Rosa ang mga opisyal ng PNP na idineploy sa Marawi.
Partikular dito ang Police Superintendent pataas na wala raw sa kapangyarihan nya na bigyan ng promosyon.
(Eagle News Service Mar Gabriel)