MEYCAUAYAN, Bulacan (Eagle News) – Isa sa mga pangunahing agenda ng Punong Lungsod Atty. Henry R. Villarica ay bigyan ng isang mabilis na solusyon ang trapiko sa Lungsod ng Meycauayan. Dahil ito ay nakakaapekto sa pamumuhay, ekonomiya at transportasyon sa lungsod. Kung saan nababawasan ang oras ng bawat mamayanan na maging lalong produktibo sa kanilang mga gawain sa trabaho at pamumuhay.
Upang matugunan ang suliraning ito ang Punong Lungsod Atty. Villarica ay humingi ng tulong sa Punong Lungsod Herbert Bautista ng Quezon City upang bigyang kaalaman ang mga traffic enforcer sa pamamagitan ng mga seminar sa tulong ng Traffic Operations Division, Department of Public Order and Safety ng Quezon City.
Nilalayon ng seminar na ito na magkaroon ng masusi at epektibong pagtuturo at pagsasanay para sa mga traffic enforcer nang sa gayon ay maging epektibo sila sa kanilang tungkulin. Ito ay papalawigin na magkaroon ng apat na linggong seminar tuwing Biyernes at Sabado. Nag simula noong Lunes, Agosto 22 hanggang ika 10 – ng Septyembre.
Tinuturo dito ang mga pangunahing regulasyon hingil sa batas trapiko at bigyan ng sapat na kaalaman ang bawa’t isa. Bukod pa rito magkakaroon din ng field operation training ang mga taga traffic operation division ng Quezon City kasama ang mga traffic enforcer ng Meycauayan upang maisagawa sa aktwal na operasyon ang kanilang mga matutunan sa mga seminar nila.
Sa kabuuan mayroong 92 participants ang dumalo sa seminar na nabanggit. Batid ni Col. Danilo P. Cordero, Director ng Meycauayan Traffic and Parking Bureau (MTPB) na ang karanasan ng Traffic Divison ng Quezon City ay higit na angat sapagkat meron itong ordinansyang sinusunod ayon sa kanilang Lungsod, at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Isa sa mga kinatawan na dumalo sa nasabing seminar ay ang Chief Traffic Operations Division, Dexter Cardenas, DPOS. Nasabi nya na ang pag sasanib pwersa ng dalawang lungsod ay makakatulong sa isa’t isa upang mabigyan ng mga solusyon at alternatibong pagplaplano hingil sa usapin ng trapiko.
Courtesy: Ian Tolentino – Bulacan Correspondent