(Eagle News) — Nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang aabot sa mahigit na P2 milyong halaga ng shabu sa Quezon City Martes ng gabi.
Target ng isinagawang operasyon sa Katipunan Avenue ang isang Jayson Lagumbay at ang iba pa nitong mga kasamahan na sina Jorge Golfo, Leonardo Jacinto, isang alyas Jay maging ang dalawa pang mga menor de edad na pinag-hihinalaaang ginagawang mga drug courier.
Napag-alaman naman ng mga otoridad na sangkot ang mga suspek sa kabi-kabilang mga krimen kabilang na ang holdapan sa Metro Manila.
“Ang mga parokyano nila ay ibang distributors, supplier din ito nung mga nakuha nating big time pusher sa Pasig City and we believe na ang kanilang mga supplier ay konektado din sa mga Chinese syndicates,” pahayag ni NCRPO Regional Director PCSupt. Guillermo Eleazar.
Nasabat din ang dalawang 45 cal. na baril at cal. 32 na baril kasama na ang mga magazine at mga bala.
Samantala kakasuhan naman ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek at illegal possession of firearms. (Earlo Bringas)