QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang kahung-kahon na mga pinekeng sigarilyo, seasoning mix at sabong pangligo sa tatlong warehouse sa Barangay Masambong sa Quezon City kamakailan.
Sa taya ng BOC, papalo sa mahigit tatlong daang milyong piso ang halaga ng mga nasabat na smuggled at pekeng produkto na mula sa China.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, dalawang buwang minanmanan ng enforcement and security service ng BoC ang mga bodega batay na rin sa sumbong ng mga concerned citizen.
Sa unang tingin, tila walang pagkakaiba ang packaging ng mga pekeng sigarilyo, seasoning mix at sabon sa orihinal.
Malalaman aniya na peke ang isang produkto kung pare-pareho ang serial number at bar code ng bawat pakete.
Maaaring makabiktima ang mga pekeng produkto sa sinumang mamimili kung hindi susuriing mabuti ang bibilhin.
Sa paunang imbestigasyon ng Customs, limang taon nang nag-ooperate ang warehouse na pag-aari ni Erlinda Chua.
Nauna nang nahuli si Chua na kakasuhan ng paglabag sa intellectual property code.
Sasailalim sa disposal procedure ang mga nakumpiskang pekeng produkto.
(Eagle News Service Jerold Tagbo)