Mahigit sa P2-milyong ayuda ng DSWD para sa mga 4Ps beneficiaries sa Boracay, ibinigay na

(Eagle News)- Nasa mahigit 600 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps mula sa tatlong barangay sa isla ng Boracay, sa Aklan ang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules, Mayo 30.

Ayon kay Gemma Santerva, project development officer ng 4Ps sa Boracay, nasa P2.442 milyon ang inilabas nilang ayuda para sa buwan ng Pebrero at Marso, 2018.

“Aming minadali ang paglalabas sa nasabing pera na tinanggap ng mga benepisyaryo para sa unang period upang tulungan sila, lalong-lalo na ang mga pamilyang apektado sa pagsasara ng Boracay,” pahayag ni Santerva.

Ang tulong pinansyal na tinanggap ng mga benepisyaryo ay binubuo ng P500 para sa edukasyon ng kanilang mga anak na nasa high school o P300 kung elementarya naman, P500 para sa pangangalaga ng kalusugan, at P600 na sabsidiya sa bigas bawat buwan.

Ang 672 ay bahagi ng 684 na kabahayan na nasa tatlong barangay sa isla. Sa mga nabanggit na bilang ng benepisyaryo, 332 dito ay nagmula sa Manocmanoc, 207 sa Balabag, habang 133 naman sa Yapak.

Samantala, nilinaw ni Santerva na pansamantala munang sinuspinde ang pagbibigay tulong sa mga miyembro ng 4Ps para sa buwan ng Abril dahil sa pagdedeklara ng gobyerno ng state of calamity sa Boracay.

Dagdag pa niya na maaaring makatanggap ang mga benepisyaryo ng iba pang serbisyo sa DSWD kaugnay ng pagkakasara sa Boracay.

Ang DSWD ay nagbibigay ng ayuda para transportasyon, edukasyon, medikal at pati pagpapalibing sa mga apektadong manggagawa at residente sa Boracay.

Kahapon ay nailabas na ng ahensya ang P24.1 milyon na tulong pinansyal para sa mga kabilang sa 4Ps, ang P22.3 milyon ay inilaang ayuda sa transportasyon na ibinigay sa 9,221 katao na apektado sa pagpapasara sa isla.

Para naman sa tulong pang edukasyon, ang DSWD ay naglabas ng P1.4 milyon para sa 687 na benepisyaryo, P402,500 para sa 103 na nangangailangan ng tulong medikal at P20,000 para sa apat na binigyan ng tulong sa pagpapalibing.

Bukod pa rito, plano rin ng ahensya na bigyan ng trabaho ang nasa 8,000 residente sa Boracay sa ilalim naman ng kanilang programang ‘cash for work’. Jodi Bustos