Mahihirap na Pinoy, libre na sa ospital simula 2017

MANILA, Philippines (Eagle News) — Simula sa susunod na taon, magbibigay na ang Department of Health (DOH) ng libreng pa-ospital at gamot para sa mga indigent, walang trabaho at mga senior citizen.

Ito ang inanunsyo ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial kung saan sinabi nitong tumaas ang budget ng ahensiya para sa pagpapaospital ng mga mahihirap.

Ayon kay Ubial, wala nang iba pang kakailanganin para makuha ang serbisyong ito ng DOH, dahil basta umano Pilipino ka, covered ka ng PhilHealth.

Maliban dito, sa ilalim naman ng Medicines Access Program, bibili ang DOH ng mga gamot na madalas nang ginagamit ng mga Pilipino at ibibigay sa mga ospital.

Manggagaling umano ang pondo para rito mula sa karagadagang budget na hiniling ng DOH sa Kongreso.

Dagdag pa ng Kalihim, naglaan din ang Pangulong Rodrigo Duterte ng limang bilyong piso para sa mga gastusing medikal ng mga indigent non-PhilHealth members.