Mainit at maalinsangang panahon mararanasan na sa buong bansa

Photo courtesy of https://www1.pagasa.dost.gov.ph/

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Maaliwalas na panahon ang mararanasan ngayong araw dahil walang anomang sama ng panahon na binabantayan sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), easterlies ang umiiral ngayon sa eastern section ng bansa at maghahatid ito ng mainit at maalinsangang panahon.
Aasahan din ang unti-unting pagtaas ng temperatura sa bansa.

Kahapon, umabot sa 33.8 degrees celsius ang pinakamataas na temperatura na naitala sa Metro Manila, ala una ng hapon.

Ngayong araw, sinabi ng PAGASA na maglalaro sa pagitan ng 25 hanggang sa 34 degrees celsius ang maitatalang temperatura sa Metro Manila.