(Eagle News) — Muling nanawagan ang Department of Justice (DOJ) sa publiko na tumulong sa mga otoridad kung may impormasyong nalalaman tungkol sa mga hacker na target ang mga website ng gobyerno.
Kaugnay ito ng ginawang hacking ng mga suspek sa website ng Commission on Elections (Comelec) kung saan isinapubliko ng mga nabanggit ang data ng mga botante sa pamamagitan ng isang website.
Ayon kay Acting Justice Secretary Emmanuel Caparas, mas mabilis aniyang mareresolba ang kaso kung makikipagtulungan ang lahat ng mamamayan sa mga otoridad.
Dagdag pa nito, posible pang mahabol ang mga responsable sa hacking kahit nasa Russia na ang registrant dahil hindi naman aniya limitado ang cyber crime maging ang epekto nito.