By Weng dela Fuente
(Eagle News) — Nangatwiran ang Malacanang sa P5 bilyong ayuda ng gobyerno bilang pambayad-utang ng Maynilad Water Services Incorporated.
Sinabi ni Communications Secretary Sonny Coloma na isina-alang-alang ng pamahalaan ang interes ng mga consumer ukol sa makatarungan at tamang singil sa tubig.
Kinukwestyon ng grupong “Water for All Movement” at ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang paglalaan ng palasyo ng P5-bilyon na pambayad sa obligasyon sa Maynilad .
Sinabi ni Coloma na patuloy pa anyang tinatalakay ng Malakanyang ang posisyon ng MWSS at ang mga probisyon ng sa kontrata ng water concessionaires at kung paano o magkano ang pwedeng ipasa sa mga consumer ng tubig.
https://www.youtube.com/watch?v=07g5Xhzl2H8
Sa sulat ni Finance Secretary Cesar Purisima kay Pangulong Aquino, sinabi nito na kailangang bayaran ng gobyerno ang private concessionaire ng halagang P5 bilyon dahil ito ay una ng ginarantiyahan ng estado base sa kanilang kontrata.
“ Iyan ang aking ibig sabihin doon sa pagsasabing patuloy na tinatalakay pa ‘yung isyung ito dahil hindi magkatugmang eksakto ‘yung kanilang mga posisyon. Mayroong mga interpretasyon na maaari pa namang ipagpaliban ‘yung pagpapatupad dahil ayon naman doon sa umiiral na kasunduan, puwede naman itong—puwedeng gumawa ng karagdagang pagsingil doon sa loob ng kabuuan ng concession period,” sabi pa ni Coloma.
Naniningil na umano ang Maynilad Water ng P3.44-bilyon sa pagkalugi nito mula noong January 2013 hanggang February 2015.
Ikinatwiran ng Maynilad na ang naturang halaga ay utang sa kanila ng gobyerno dahil sa kabiguan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tuparin ang desisyon na magtataas ng singil sa tubig sa mga consumer.
Bukod sa P5 bilyon ng Maynilad, sinisingil din ng Ayala-led Manila Water Company, Inc. ang gobyerno sa kanilang pagkalugi na halagang P79 billion dahil sa mababang taripa. Hindi naman maipaliwanag ni Purisima sa hearing ng Kamara kung bakit P5 bilyon ang hinihingi ng Malakanyang samantalang P3.44-bilyon ang sinisingil ng Maynilad Water Services Inc. (Eagle News Service)