Malacanang handa na para sa Duterte inauguration

By Weng dela Fuente

(Eagle News) — Simpleng inaugurasyon lamang ang aasahan sa opisyal na pag-upo sa panunungkulan ni President-elect Rodrigo Duterte.

Sa pahayag ng incoming Presidential Communications Office sa pangunguna ni incoming Communications Secretary Martin Andanar, sinabi nitong nais ni Duterte na maging simple lamang ang kaniyang inaugurasyon.

Sa unang araw sa administrasyon, patutunayan din aniya ni President-elect Duterte ang pangakong sisimulan ang pagbabago.

 

 

Simpleng kasuotan, simpleng pagkain para sa inaugurasyon

Simpleng kasuotan lamang ang inihanda para sa manunumpang Pangulo – barong tagalog na yari sa pina jusi ang tela na teternuhan ng itim na cotton pants.

Tinahi ng designer na si Boni Adaza ng Chardin ang barong na binurdahan ng disenyo na kakatawan sa minority ng Mindanao, ang Manobo.

Simpleng salu-salo lang din aniya ang ihahain sa mga panauhin mula sa Malacanang accredited concessionaire na Via Mare.

Tampok sa mga pagkaing Pinoy na ihahain sa may higit 600 panauhin ang lumpiang ubod, pandesal na may kesong puti, Vigan longganisa, monggo soup na may tinapa at alugbati, pritong saging na saba at minatamis na Durian, dalandan at pine-mango cooler naman ang ihahaing inumin sa mga bisita.

June 30 isang “regular day” lamang – Coloma

Sinabi naman ni outgoing Communications Secretary Communications Secretary Sonny Coloma na regular day lamang ang June 30 sa buong bansa.

Sabi ni Coloma sa Malacanang lamang ang sentro ng seremonya at sinabi na rin noong una ni President-elect Duterte na ayaw niyang maabala ang marami sa kaniyang araw ng panunumpa.

Taliwas ito noong 2010 kung kailan idineklara ng noo’y outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo ang special holiday para sa sa inagurasyon ng ika-15 pangulo ng bansa na si Benigno Simeon “Noynoy”  Aquino III noong June 30, 2010.

Pagkatapos ng mga seremonya sa Malacanang, inaasahan namang magpapalipas ng gabi sa Bahay-Pangarap si President-elect Duterte.

Nauna nang sinabi ni incoming Presidential Management Staff Chief Christopher ‘”Bong” Go na ang Bahay-Pangarap din ang magiging official residence ni Pangulong Digong kapag siya ay nasa Malacanang.  (Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.