MANILA, Philippines (Eagle News) — Handang harapin ng Malacañang ang anumang impeachment case na isasampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pagsuspinde kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pahayag ni Senador Antonio Trillanes IV na impeachable offense ang ginawa ng Office of the President na pagsuspende kay Carandang dahil mayroong jurisprudence ang Korte Suprema noong 2014 na pumabor sa apela ni Deputy Ombudsman Emelio Gonzales matapos itong sibakin ng Aquino administration.
Sinabi ni Roque na naninindigan ang Malakanyang na may karapatan ang OP na patawan ng parusa ang Deputy Ombudsman dahil hindi ito isang impeachable position gaya ng Ombudsman.
Dahil dito hinamon ni Roque si Trillanes na magsampa ng impeachment case laban sa Pangulo at haharapin ito ng Malakanyang sa Kongreso.
Naninindigan si Roque na may gray area ang 2014 Supreme Court Decision sa botohang 8-7 na nagdedeklarang unconstitutional ang Section 8 Paragraph 2 ng Republic Act 6770 o Ombudsman Charter na nagsasabing hanggang sa mga special prosecutor ang sakop ng kapangyarihan ng Presidente at hindi kasama ang Ombudsman at Deputy Ombudsman.
Si Carandang ay sinuspinde ng Malacañang dahil sa kasong grave misconduct at grave dishonesty dahil sa pagpapalabas ng palsipikadong bank statement ni Pangulong Duterte na ginamit ni Senador Trillanes sa kanyang expose sa umano’y tagong yaman ng first family.
(Vic Somintac, Eagle News Service)