(Eagle News) — Hinikayat ng Malacañang ang iba’t-ibang religious groups, mga local government unit, civic groups at iba pang organisasyon sa bansa na tumulong sa pagsasagawa ng charity programs para tulungan ang mahihirap.
Pahayag ito ng Palasyo matapos ang Worldwide Walk to Fight Poverty na isinagawa noong Linggo, Mayo 6, ng Iglesia Ni Cristo.
Ayon kay Special Assistant to the President Bong Go bagamat may ayuda ang gobyerno marami pa ring mga Pilipino ang nananatiling pinakamahirap.
Katunayan sa survey aniya ng Social Weather Station nito lamang Enero ngayong taon, sampung milyong Pilipino ang naitalang pinaka mahihirap o katumbas ng 44 percent ng kabuuan ng populasyon ng Pilipinas.
Saludo rin si Senador JV Ejercito sa ginagawang hakbang ng Iglesia Ni Cristo para labanan ang ugat ng kahirapan at tulungan ang mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan.
“Dalawang beses nga akong naglakad, dahil simula sa CPP malapit sa finish line nakasalubong ko si SAP Bong Go gusto nya raw simulan kaya bumalik na naman ako naka total 7 kilometer ako pero parang di ako napagod dahil sa dami nang tao. Hindi mo papansinin yung pagod. Masaya na nakibahagi, iba yung pakiramdam na nakibahagi ka that involve a world record kaya ako’y masaya na naging parte ako,” pahayag ng opisyal.
Samantala, nagpaabot naman ng pagbati sina Senador Sonny Angara at Nancy Binay sa panibagong mga Guinness World Records na nasungkit ng Iglesia Ni Cristo sa isinagawang charity walk. Meanne Corvera