(Eagle News) — Naninindigan ang Malacañang na may matibay na ebidensiyang magdidiin kay Senadora Leila de Lima kaugnay ng pagiging umano’y protektor ng illegal drug operation sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay chief presidential legal counsel Salvador Panelo, isa-isa na aniyang kinukunan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ng statement ang mga testigo na magdidiin kay De Lima sa umano’y koneksyon nito sa illegal drug operations sa NBP.
Dagdag pa ni Panelo, dumaan sa masusing validations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) at suportado pa ng ebidensya ang matrix ng drug operations sa NBP kung saan sinasabing may kinalaman si De Lima.
Inihayag ni Panelo na kapag nabuo na ang kaso, tiyak na isasampa ito sa kaukulang hukuman.