Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
“Black propaganda–plain and simple.”
Ito ang paglalarawan ng Malacanang sa isinampang kasong kriminal sa International Criminal Court laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at 11 pang iba dahil sa mga umano’y extrajudicial killings sa bansa kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
“For one, it’s intended to smear the name of the President,” wika ni chief presidential legal counsel Salvador Panelo nang makapanayam sa CNN Philippines.
Ayon kay Panelo, hindi rin siya naniniwalang may hurisdiksyon ang ICC sa reklamong isinampa ni Atty. Jude Sabio, ang abugado ng self-confessed hitman na si Edgar Matobato, laban sa Pangulo at kina Justice Secretary Vitaliano Aguirre; Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa; Speaker Pantaleon Alvarez; dating Department of the Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno; Police Superintendent Edilberto Leonardo; Senior Police Officer 4 Sanson “Sonny” Buenaventura; Police Supt. Royina Garma; National Bureau of Investigation Director Dante Gierran; Solicitor General Jose Calida; Senador Richard Gordon at Senador Alan Peter S. Cayetano.
Si Sabio rin ang itinuturo ng isang negosyante sa Davao na namilit sa kaniya na magfile ng kasong kriminal sa ICC laban sa Presidente.
Hindi ito ginawa ni Guillermina “Grace” Barrido Arcillas, na sa halip ay humarap sa media at inilantad ang ginawa umano sa kaniya ng abugado ni Matobato, pati ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV.
“The court only has jurisdiction over genocide, crimes against humanity and aggression..,” paliwanag ni Panelo.
Hindi state-sponsored
Aniya, hindi maituturing na genocide ang kaso sa Pilipinas dahil hindi naman nakadirekta ang anomang atake sa isang “klase” at “racial group” lamang.
Dahil hindi “state-sponsored” ang anomang atake, hindi rin umano matatawag na “crimes against humanity” ang mga ito.
“It won’t fall also under crimes against humanity because (these entail that a crime be) directed against a particular civilian population, and (that it be) part of a widespread systematic attack against this group,” paliwanag ni Panelo.
Aniya, hindi pa niya nakakausap ang Pangulo, na nasa Davao ngayon, hinggil sa isinampang kaso.
Criminal case for crimes against humanity ang isinampa ni Sabio sa ICC kaninang umaga, oras sa Netherlands, laban kay Duterte at sa 11 pang mga opisyal at dating opisyal ng gobyerno.
Nilabag umano partikular na ng Pangulo ang mga article ng Rome statute nang ipag-utos umano niya ang mass murder o extrajudicial executions sa mga sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Sabio, nakapaloob sa 77-pahinang reklamo ang mga sinumpaang salaysay ni Matobato hinggil sa personal umano nitong nalalaman.
Kabilang na dito ang mga diumano’y utos na pagpatay ng Pangulo sa ilalim ng sinasabing Davao Death Squad noong siya ang alkalde ng nasabing siyudad.
Ayon kay Sabio, kasama rin sa reklamo ang salaysay ni retired SP03 Arturo Lascanas, na tumestigo at ibinunyag sa Senado nitong Pebrero ang diumanong mga detalye sa
operasyon ng sinasabing DDS.
Lascanas, hindi pa bumabalik sa bansa
Kabaliktaran naman ito ng sinabi ni Lascanas noong tumestigo ito sa Senado noong nakaraang taon.
Si Lascanas ay umalis ng bansa noong ika-8 ng Abril.
Nakatakda siyang bumalik sa Pilipinas nitong ika-22 ng Abril, subalit ayon sa Bureau of Immigration, wala pa uling rekord ng kaniyang pagbabalik sa bansa.
Ayon kay Sabio, ibinatay rin ang kaso sa pag-amin umano ng PNP na mula nang maupo ang
Duterte administration, umaabot na sa halos 9000 ang naitatalang mga kaso ng pagpatay, kung saan aniya ay karamihan dito ay kagagawan ng mga vigilante.
Mahigit 1000 diumano ang naitala sa Davao City noong nakaupo si Duterte, habang
halos 8000 ay nangyari umano sa ilalim ng gyera kontra droga ng administrasyon.
Malinaw umanong state-sponsored ang mga kaso ng pagpatay dahil ayon kay Matobato, may partisipasyon ang mga pulis at ng mga hitman, may reward system ang gobyerno, may watchlist umano kung sino ang mga ipapapatay, at may “collaboration” ang mga opisyal ng barangay at pulisya.
Pagtanggi ng Pangulo, PNP
“A number of local and international human rights groups and other international bodies have called the attention of our government to stop the bloody killings in the country in the name of war against drugs. However, President Duterte has completely ignored these calls, while his government officials and allies have become instruments in covering up the issue in the media and Senate investigations conducted,” sabi ni Sabio.
Ilang beses nang itinanggi ni Duterte at ng pamunuan ng PNP ang mga paratang na ito.