MANILA, Philippines (Eagle News) — Tiniyak ng Malacañang na tuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo ng taong ito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kinakailangang sang-ayunan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang anumang panukalang batas na muling magpapaliban sa Barangay at SK elections.
Malabo aniyang umusad ang mga panukalang batas sa mababang kapulungan para sa muling pagpapaliban ng eleksyon dahil wala naman itong suporta ng Senado.
Matatandaang dalawang petisyon ang inihain sa Kamara para muling ipagpaliban ang Barangay at SK elections.
Isa sa mga petisyon ay inihain ni Congressman Reynaldo Umali kung saan mas makakaganda aniya na isabay na lamang sa 2019 midterm elections ang Barangay Elections na nakatakda sa Mayo ng taong ito.