Malacañang, umaasa sa maayos na relasyon ni Duterte sa media

Screen shot 2016-06-03 at 9.16.15 PM
Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.

(Eagle News) — Umaasa ang Malacañang na magkakaroon ng maayos na relasyon sa media si incoming president Rodrigo Duterte.

Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.,  mahalaga ang papel na ginagampanan ng media sa paghahatid ng balita at impormasyon sa publiko kaya’t dapat aniyang maganda ang relasyon sa kanila ng pangulo.

Gayunman, kinikilala rin umano nila ang sariling istilo ni Duterte sa pakikisalamuha sa media.

Sa panayam ng programang Liwanagin Natin sa Net25, sinabi ni incoming press secretary Atty. Salvador Panelo na walang negatibong intensyon si president-elect Duterte sa hanay ng media.

Kailangan lamang aniyang makasanayan ang gawi at pananalita ng icoming president upang maunawaan kung kailan ito seryoso o nagbibiro.

Sa kabila naman ng mga kritisismo at negatibong pananaw kay president-elect Duterte sa kaniyang mga pahayag sa isyu ng media killings, sinabi ni Panelo na mas tanggap at inuunawa pa rin aniya ng publiko ang inihalal nilang bagong lider.

Samantala, nagpaabot naman ng pagbati si Sec. Coloma sa TV news anchor na si Martin Andanar matapos itong ipahayag na siyang itatalaga ng incoming Duterte administration para pamunuan ang Presidential Communications and Operations Office (PCOO).

Sinabi ni Coloma na handa siyang tulungan si Andanar upang matiyak ang maayos na pagsasalin ng trabaho sa kagawaran.