(Eagle News) — Walang namamataang sama ng panahon ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) sa kasalukuyan.
Ayon sa PAGASA, tanging hanging amihan lamang ang makakaapekto sa malaking bahagi ng bansa ngayong araw.
Dahil sa amihan, makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan ang Luzon, kabilang na ang Metro Manila at ang buong Visayas.
Ang Mindanao naman ay makararanas ng maalisangang panahon na may posibilidad lamang ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Magiging malakas naman ang alon sa eastern sections ng Visayas kaya’t pinag-iingat ang mga mangingisda sa pagpalaot.