QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Kaugnay ng kilusang inilunsad ng Pamamahala sa Iglesia Ni Cristo para sa taong 2017 na “Isulong ang ikapagtatagumpay ng lahat ng mga gawain ng Iglesia Ni Cristo,” ay matagumpay na naisagawa ng Lokal ng Pasong Tamo mula sa Distrito ng Central ang sunod-sunod na Pamamahayag ng mga Salita ng Diyos.
Nito lamang Biyernes, Enero 27, ay nagsagawa ang nasabing lokal ng malaking Pamamahayag sa pangunguna ni Kapatid na Jovel Manalo, Ministro ng ebanghelyo.
Tunay na ipinakita ng mga Maytungkulin at iba pang mga kapatid ang buong puso nilang pakikipagkaisa sa lahat ng mga aktibidad na inilulunsad ng Iglesia sa pamamagitan ng mga gabi-gabing pagpapanata at puspusang pag-iimbita ng mga panauhing makikinig sa pangunguna na rin ng mga Ministro at Manggagawang naka-destino sa kani-kanilang mga purok.
Bitbit ang mga polyeto at babasahing pasugo ay nag-ikot sila sa bawat sulok ng kanilang komunidad upang ang lahat ay kanilang maabutan ng mga babasahin at maanyayahang dumalo sa isasagawang pag-aaral ng mga Salita ng Diyos.
Hindi naman sila nabigo dahil umapaw ang kapilya o gusaling sambahan ng Pasong Tamo na pinagdausan ng Pamamahayag sa dami ng mga bisitang nagpaunlak sa paanyaya ng mga kapatid. Ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa maghapong paggawa at pag-aaral, at ang iba naman ay bitbit pa ang kanilang mga anak habang sila ay nakikinig at nagsusuri.
Bukod dito ay nagsasagawa rin sila ng mga Pamamahayag sa bawat purok na kanilang kinabibilangan. Araw-araw ay lalo pang nadaragdagan ang mga nagpapasyang makinig at magsuri ng mga aral sa loob ng Iglesia Ni Cristo.
“Noong ako po ay nasa probinsya pa ay madalas rin po akong alukin na makinig sa mga aral ng Iglesia. Kaya naman naisipan ko pong subukang makinig lalo na’t mas malapit na po ngayon ang aking tirahan sa kapilya ng INC. Tumatak po sa akin ang paraan ng kanilang pagtuturo dahil magtatanong po sila sa amin at sa Biblia naman sila kukuha ng sagot,” pahayag ng isa sa mga naitalang doktrina pagkatapos ng Pamamahayag.
Bukod pa rito ay nagsagawa rin kahapon, Enero 30, ang bawat purok sa lokal ng Pasong Tamo ng Internation Evangelical Mission on Air and Online kung saan nagtipon ang lahat ng mga kapatid kasama ang kanilang mga panauhin sa isang dako upang makinig sa mga aral na itinuturo ng INC. Ang iba naman ay tumutok sa live-streaming ng INC Radio sa kani-kanilang mga tahanan at opisina.
“Kami po ay lubos na nagagalak dahil sa patuloy na pakikipagkaisa ng mga kapatid namin sa Iglesia sa mga ganitong gawain lalong-lao na sa pagpapalaganap ng mga tunay na Aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia, at lalo pa po naming isusulong ang ikapagtatagumpay ng mga gawain ng Iglesia,” pahayag ni kapatid na Jovel Manalo, ang Destinadong Ministro na nakatalaga sa nasabing lokal.
Tuloy-tuloy pa rin ang mga gawaing pagpapalaganap sa mga dako ng gawain sa Lokal ng Pasong sa mga araw ng Lunes, Martes at Biyernes.
Mga Pamamahayag sa Lokal at Purok na pinangunahan ng bawat Destinadong Ministro at Manggagawa ng INC.
Mga larawan ukol sa isinagawang International Evangelical Mission On air and Online nitong Lunes, Enero 30, 2017.
(Photos courtesy of Bro. Fedz Villena, Bro. Kenneth Cruz and Bro. Marzel Villamar)