METRO MANILA (Eagle News) – Isang malaking sunog ang nangyari sa Brgy. 20, Zone 2 Parola Compound, Binondo, Maynila, noong Martes, Pebrero 7. Ayon sa mga residente mabilis na kumalat ang apoy sa hindi pa makumpirmang dahilan.
Ayon sa ilang nasunugang residente, nag-umpisa ang sunog bandang 9:00 ng gabi sa isang basurahan na pinaglalaruan ng mga bata. Bigla anilang lumakas at kumalat ang apoy hanggang umabot na sa mga kabahayan na gawa lamang sa light materials.
Agad namang lumikas ang ibang residente dala ang kanila mga anak at mga naisalbang gamit. Ang iba sa mga lumikas ay nagtungo sa loob ng compound ng Iglesia ni Cristo kung saan pansamantalang doon iniwan ang kanilang mga gamit. Dumating din ang Task Force Bravo para maapula ang sunog at tumulong na rin ang mga residente sa pag-apula ng apoy. Tumulong din ang mga bumbero upang apulain ang apoy. Ang iba namang bumbero ay hindi na nakapasok sa loob ng pinangyarihan sunog dahil sa bukod na masikip ang daan ay masasalubong pa nila ang mga residente na naghahakot ng mga gamit.
Tinatayang nasa 3,000 pamilya ang nasunugan at bandang 5:30 ng umaga ng Miyerkules, Pebrero 8 na naapula ang apoy. Sa kasalukuyan ilan sa mga residente ay nabigyan na ng tulong nga mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo.
(Celso Gonzales, Alconi Chaluangco at Ramil Karasig – EBC Correspondent)