Mangingisda na tumagal ng halos 2 buwan sa dagat, nakauwi na

GENERAL SANTOS CITY, Cotabato South (Eagle News) – Nakauwi na ang isang mangingisda na tumagal ng halos dalawang buwan o 58 na araw sa dagat. Sa salaysay ni Rolando Omongos, 21 years old, taga-General Santos City noong Disyembre 21, 2016 nang sila ay pumalaot kasama ng iba pang mangingisda.

Dahil aniya sa bagyo ay nahiwalay ang bangka na kaniyang sinasakyan sa lancha o mother boat noong Enero 10, 2017. Naanod aniya sila patungong Papua New Guinea. Makalipas ang 5 araw ay naubusan sila ng gasolina. Kasama niyang nahiwalay sa lancha ang kaniyang tiyuhin na si Reniel Omongos, 31 years old. Subalit namatay ito makalipas ang isang buwan dahil sa gutom. Hinayaan na lamang daw niyang lumubog sa dagat ang bangkay nito dahil sa ito ay nangangamoy na.

Ayon pa kay Rolando, nakatagal siya sa dagat dahil sa tubig ulan at lumot na nakadikit sa kaniyang bangka na may sukat na 2.5 metro. Itinapon din niya ang maliit na makina ng kanilang bangka para hindi sila gaanong lumubog at madala ng malalaking alon. Mayroon aniya siyang nakikitang mga sasakyang dagat ngunit dahil sa liit ng kanilang bangka at layo ay hindi sila nakita.

Subalit hindi aniya siya nawalan ng pag-asa at patuloy na nananalangin na makauwi at maibalita ang nangyari sa kaniyang tiyuhin. Nang matagpuan siya ng sasakyang pangdagat ng Hapon na Wakaba Maru ay hinang-hina na siya. Hindi na makatayo kaya kailangan pang buhatin. Ang dating timbang na 61 kilograms ay bumaba ito sa mahigit 20 kilograms.

Dumating si Rolando sa Maynila noong Miyerkules, March 29 at nakauwi sa General Santos City Airport nitong Huwebes, March 30 bandang 9:00 ng umaga.

Nette Cruz – EBC Correspondent, General Santos City

 

Related Post

This website uses cookies.